Society and Politics

2016: Krissy for president

By John Gabriel Lalu, Editor-at-Large|

Kris, Ikaw na! Photo courtesy of filipinasinshowbiz.com

Kris, Ikaw na! Photo courtesy of filipinasinshowbiz.com

OKAY, BAGUHIN NATIN: baka makasuhan pa ako ng libel.  Hindi naman talaga sinabi ni Kris Aquino na tatakbo siya para sa pagkapangulo sa 2016 National Elections; sa halip, pagka-gobernador ng Tarlac ang “inaasam” niya.  Bakit sa Tarlac pa, at hindi sa Makati, kung saan siya nakatira?  Aminado kasi siyang hindi niya kayang patumbahin ang pamilya Binay.

O baka naman hindi niya kayang labanan ang taong pinakamamahal niya?

Teka, ‘wag tayong showbiz.  Sinabi ng pinakabatang anak ni Ninoy at Cory Aquino sa isang press conference matagal na ang nakalipas, sa Cebu, ang tangka niyang pagtakbo.  Ayon sa kanya, kukuha pa nga siya ng post-graduate course na tungkol sa pamamahala.  At siyempre, sino pa ba kung hindi si Senator Chiz Escudero ang kanyang mentor.

Wala namang mali dito (kahit mukhang mayroon): Pilipino siya, botante, nasa tamang edad (bagamat parang hindi siya umaakto ng ayon sa edad niya), at higit sa lahat, may makinarya para sa pangangampanya at sa pagkapanalo.  Marami mang naiinis kay Kristina, isa ring katotohanan na marami ang sumusunod sa kanya.

Pero maaalala natin na dati, sinabi niya na hindi siya makiki-halubilo sa pulitika. Ngayon, nagkakatotoo na ang kinakatakutan ng mga kritiko ng administrasyong Aquino: ano bang malay natin kung ang sinabi niya noong isang araw e kunwari lang?  Sa 2014 pala, senador; sa 2015, bise-presidente; at bago matapos ang taon, pangulo.

Hindi ito malabong mangyari, lalo na at sa isang iglap, naging numero uno ang kuya niya sa mga survey sa pagkapangulo noong taong 2010.  Dahil sa pagkamatay ng kanilang nanay, si Benigno S. Aquino III nga ang kasalukuyang presidente ng Republika ng Pilipinas.

Kung susuriing mabuti, parang scripted na scripted ang mga pangyayari –– animo’y eksena sa pelikula eh.  Ilang linggo pa lang ang nakakaraan, nag-aksaya na naman si Kris Aquino ng airtime sa 24 Oras at TV Patrol ng GMA 7 at ABS-CBN.  Matunog na matunog na naman ang pangalan niya, at dahil nagsampa pa siya ng kaso laban sa dating asawa at basketball player na si James Yap, nagmukha siyang kaawa-awa.  Sa pamamagitan ni Bimby, hawak niya na naman ang simpatya ng madla.

Sinabayan pa niya ito ng anunsyo na lilisanin niya na ang mundo ng showbiz, na ayon sa kanya ay para na rin sa kapakanan ng mga anak niya.

Inosente lang ang nagtataka.

Bakit nga ba tayo nagtaka pa, eh ganito naman talaga ang nangyayari sa mga artistang lumalayo sa paggawa ng pelikula at palabas sa telebisyon –– nagiging pulitiko.  Sa lansangan at sa mga opisina dinadala ang nakuhang talento.

Pero ito, mainit ang usapin noong nakaraang bwan sa mga social networking sites tungkol sa worst case scenario: papaano kaya ang magiging sistema kung si Kris Aquino ang naging pangulo ng Pilipinas?  Bago ba ang State of the Nation Address niya, tutunog muna ang program ID ng Kris TV?  Si Praybeyt Benjamin ba ang magiging Chief-of-Staff ng Armed Forces of the Philippines?  I-eendorso ba ng Department of Health ang paggamit ng Maggi?  Ano ang gagamiting language of instruction sa paaralan, Ingles ba, Tagalog, o ang kombinasyon nito?

Sa kabilang banda, nakaka-aliw siguro kung maging pangulo si Kris Aquino.  Kumbaga, may “light moments”.  Isipin niyo, kung siya ang maging presidente, siyempre, si Boy Abunda ang spokesperson niya, at siyempre rin, interactive ang interview.  Sa sobrang interactive, pakiramdam ng reporter ay siya na ang iniinterview. Wag ka lang magugulat kung ang sinabi mo kahapon ay lalabas sa Linggo, sa The Buzz.

Sa 2016, siguro naman may trabaho na ako.  At naiisip ko na ang mangyayari kung maging pangulo si Kris Aquino, at sa Malacanang ang beat ko.

AKO: Mr. Abunda, ano po ang katotohanan sa isyu na nais ng ating pangulo na gagawing ‘pink’ na ang pintura ng buong Palasyo?  Ayon din daw ho sa mga nakausap kong sundalo, balak din daw gawing ‘yellow’ ang main pattern ng camouflage ng mga uniporme at sasakyan: totoo po ba ito?

BOY ABUNDA: Napakagandang tanong, Mr. Lalu: ito ay isang tanong na kaunti lang ang may kakayang magtanong; I mean, hindi siya naiisip ng ibang tao.  Tungkol sa mga pagbabagong iyan, ah, totoo nga na pink na ang magiging kulay ng Malacanang. Alam mo naman si Krissy, may pagka-kikay talaga kahit medyo matanda na, A-hi-hi-hi-hi-hi-hi!

AKO: Eh ‘yong tungkol po sa AFP?  Wala pa po ba tayong kumpirmasyon doon?

BOY ABUNDA: Wala pa namang nasasabi sa akin si Krissy, pero maganda siguro kung yellow ang kulay, para madaling makita ang mga nawawalang sundalo.  A-hi-hi-hi-hi-hi-hi!  Siya nga pala, totoo ba na ikakasal na raw kayo ng girlfriend mo for four years?!  Imbitahan mo naman sila?!  At totoo bang nag-live in kayo dati?

AKO: Wala pong katotohanan ang mga bali-balitang ‘yon, pawang tsismis lang po ‘yon…

BOY ABUNDA: Ah, ganun ba?  Eh totoo ba na––

AKO: Maraming salamat po Tito Boy! Salamat po sa oras niyo!

BOY ABUNDA: Maraming salamat din sa iyong pagpunta. At Jan Lalu, ikaw na!

AKO: No Tito Boy, Ikaw na!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s