Opinion

Tingap

By John Gabriel Pabico-Lalu, Staff Writer

Bagamat paminsan-minsan nakikisali si Mama sa tawanan sa tuwing nakakapuna kami ng kamalian sa itsura o kilos ng isang partikular na tao, palagi niyang isinasaksak sa isipan namin na hindi tama ang ganoong gawain.  Kahit pa madalang naming gawin, kahit pa nakakatawa talaga siya, hindi pa rin tama. Hindi naman kami sadista na pati ‘yong mga may kapansanan, pinagtatawanan namin; simpleng trip lang naman, katulad na lang no’ng nakakita kami ng katawa-tawang lalaki sa simbahan. Sa unang tingin, inakala naming kalbo dahil sa sumbrero niyang suot.  Pero kasabay ng pagtanggal niya ng sumbrero ang halakhakan na tumagal ng halos limang minuto.

Kalbo kasi, pero mayroon siyang bangs.

Kumbaga, siya ang real-time version ni opportunity –– ang taong nasa harap lang ang buhok sapagkat kailangan mo itong hatakin habang papalapit siya sa’yo.  Ngunit sa oras na makalagpas na siya, wala ka nang kakayahang hilahin ito pabalik sapagkat wala siyang buhok sa likod na pwede mong kapitan.

May pangit bang tao?  Kasi, ang kapangitan na siguro ang pinaka-common na pang-iinsulto ng mga Pilipino sa araw-araw.  Ang nakakatawa, sumasang-ayon tayo sa sinasabi ng mga matatanda na hindi dapat tayo maging husgado sa kagandahan o kapangitan ng isang tao, dahil ang lahat ng lalang ng Diyos ay napupuno ng kagandahan. Ang mga bulaklak na namumunga ay nakakatuwang pagmasdan… ang mga hayop na masisigla ay masarap tignan… papaano pa kaya ang tao na mas mataas ang antas ng pag-iisip kumpara sa mga halaman at mga hayop na animo’y umaakto lamang sa kanilang mga instincts?

Maliban na nga lang kung inutot ka ng bulkan, hindi na Diyos ang gumawa sa’yo.  Kahit pa sabihing Diyos ang bumuo ng mga bulkan.

Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, bahagya akong sumasang-ayon sa sinasabi ng matatanda: lahat ng lalang ng Diyos ay maganda.  Sa kabilang banda, naniniwala rin ako na may taong pangit, subalit, hindi ito naaayon sa oryentasyon ng silangan at ng kanluran.  O ng hilaga’t timog.  Hindi por que’t maitim ay pangit na; hindi por que’t mabaho ang amoy niya ay wala na siyang silbi; hindi por que’t maputi ay maganda na; at hindi por que’t mabango ay makabuluhan ang buhay niya.  Bagkus, lahat ng tao ay isinilang na maganda, kahit Caucasian, Malay, Oriental, o Negro ka pa.

Akala ko ba may pangit na tao, e bakit lahat ng tao ay maganda no’ng ipanganak?  Papaano nagkakaroon ng kapangitan ang isang tao?

‘Yon ang punto ko: sa oras na ipinanganak ka ng nanay mo, isa kang magandang nilalang.  Tayong lahat ay mayroong likas na kagandahan.  Kahit pa nadisgrasya o ginahasa ang nanay mo, ang panibagong buhay ay kagandahan.  Pero habang tumatanda at nagkakaisip ang isang tao, maraming bagay ang nakakaimpluwensya sa kanya: nandyaan ang kapaligiran, ang estado ng pamilya (kung mayroon siyang pamilya), ang komunidad na ginagalawan, relihiyon na sinasamahan, at ang pulitikal na eksena sa siyudad at bansa.  Kung matiwasay ang buhay mo, madalas kang nakangiti, at ito ay kagandahan.  Kung masalimuot ang buhay mo, madalas kang nakasimangot, at ito ay kapangitan.

Ito ang dahilan kung bakit magkakamukha ang karamihan sa mga sanggol; sa kulay lamang sila nagkakaiba.  Wala pa silang muwang sa mundo.  Wala pa silang alam na kasamaan.  Bagamat kamukha ng tao ang mga magulang niya, binabago ng oras at karanasan ang itsura niya.  Pinoporma ng kasalanan at kabutihan ang mukha niya.  Kung lamang ang kabutihan, ang mukha mo’y larawan ng summer, mainit, at madaling pakisamahan.  Kung lamang ang kasalanan, ang mukha mo’y larawan pa rin naman ng summer, tuwing Semana Santa nga lang.  Sa pagmamahal ay nagiging maaliwalas ang buhay, at sa hinagpis ay dumidilim ang mundo.

Sa totoo lang, ang kapangitan ay pagharap sa isang desisyon: kung hahayaan mong maging katawa-tawa ang itsura mo, kagustuhan mo ‘yan.  Pwede namang hindi magpaapekto sa mga bagay na nakaka-pangit ng itsura.  Kung payatot ka, bakit mo ba naisipang magsuot ng maluwag na T-shirt?  Kalokohan.  Kung mataba ka, bakit mo ba naisipang i-pilit ang maliit na pantalon?  Katangahan.  Bakit kailangan pang magsuot ng piluka kung nakakalbo ka na?  Hindi mo kasi matanggap na dumarating talaga ang katandaan.  Kayabangan.  Maiintindihan ko pa kung Rastafarian ka, at ayaw mong maputol ang buhok mo.  Pero, pwede mo namang ipa-ubos ang buhok mo kung ayaw mong magmukhang katawa-tawa di ba?

Hindi ko alam kung iisang larawan ba ang tumatakbo sa utak namin ni Beting Laygo Dolor, kolumnista ng The Manila Times, tungkol sa aspeto ng nalalagas na buhok.  Sa isang seminar niya noong nakaraang Huwebes na kung saan ay pumunta ako, pareho naming nakita ang isang ‘matalinong’ tao na mayroong pekeng buhok sa ulo.  At kinabukasan, sa kanyang column na pinamagatang “In defense of PNoy’s hairdo”, sinabi niya sa Ingles na nakakatawa ang isang lalaking nagpipilit na magkabuhok.

Mukhang kasabay ng pagtanda ang pagbaba ng antas ng acceptance.  Hindi nila matanggap ang mga sakit na dumarating; hindi nila matanggap ang pagbabago ng sangkatauhan; hindi nila matanggap na bilang na ang araw at buhok nila; at hindi nila matanggap na ibang tao na ang kumikilos para sa kanila.  Ito rin siguro ang dahilan kung bakit animo’y magkakahawig rin ang mga matatanda.  Kulubot ang balat, puti ang buhok.  Dinaanan ng panahon at pagkakataon.  Sa oras na mamulat ang tao sa katotohanan ng buhay, at sa oras na malagpasan niya ang mga pagsubokpagod na siya.  Medyo huli na ang lahat.

“Mabuti nang pangit ang itsura kaysa naman sa pangit ang ugali,” sabi ng ilang mga pangit na gustong i-bida ang pagiging busilak ng puso, sa gitna ng di-kagandahang pagmumukha.  Sa tingin ko, hindi napanood ng mga taong ito si Penguin at si Paquito Diaz, na bukod sa hindi patok sa masa, ay masama pa ginagampanang papel sa harap ng camera.

Hindi masasabing nasa perspektibo ng isang tao ‘yan.  Cause and effect: ang isang bagay ay may sanhi at kapupuntahan.  Kung pangit ang ugali mo, itaga mo sa bato, bubukol yan sa mukha mo.  ‘Wag tayong magpabulag sa mga maling paniniwala tungkol sa itsura.  Mas maganda ang punggok, maitim, at pangong tao kung ginagawa niya ang lahat para i-taas ang estado ng pamumuhay nila, at ang tingin sa kanya ng lipunan, kaysa sa matatangkad, mapuputi, at matatangos na taong walang ginawang matino kung hindi manipulahin ang pag-ikot ng mundo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s